Senador, inirekomenda ang pakikipagkasundo ng bansa sa ibang mga maritime countries para itaas ng kalidad ng mga Pinoy seafarer

Iminungkahi ni Senator Imee Marcos ang pagpasok ng gobyerno sa isang ‘long-term solution’ para mas maging competitive ang mga Filipino seafarer.

Ayon kay Marcos, bagama’t nakatulong ang muling pagkilala ng European Union sa sertipikasyon na ibinibigay ng bansa sa mga Pinoy seafarers para mabawasan ang kanilang mga kinakaharap na problema, hindi pa rin dapat maging kampante ang bansa.

Inirekomenda ng senadora ang pagpasok ng Pilipinas sa kasunduan sa ibang mga maritime countries para sa educational at technical assistance sa mga Pinoy seafarer.


Iginiit ni Marcos na ang mga maritime school ay kailangang may mga programa at updated na pagsasanay sa mga barko na makakatulong para matiyak ang pagtalima sa international standards.

Aniya, in-demand ang mga Filipino seafarer dahil sa kanilang reputasyon na madaling matuto, may natural na skills o kaalaman at may magandang ugali sa trabaho, na kadalasang handang mag-overtime o magtrabaho sa mas mahabang oras.

Sinabi ni Marcos na ang tinatayang 50,000 Pilipino ang bumubuo sa humigit-kumulang 20% ng mga marino sa mga barko ng EU.

Batid din aniya ng European Union ang malaking kakulangan ng mga marino sa maritime industry sa buong mundo, kaya nagdesisyon itong kilalanin pa rin ang sertipikasyon sa trabaho ng mga Pinoy seafarer.

Facebook Comments