Senador, inoobliga ang DepEd na tugunan agad ang mga mag-aaral na maaapektuhan ng paghinto ng Senior High School program sa mga Higher Education Institution

Inoobliga ni Committee on Higher, Technical and Vocational Education Chairman Chiz Escudero ang Department of Education (DepEd) na gawan ng paraan ng ahensya na matugunan ang mga estudyanteng maaapektuhan ng paghinto ng Senior High School program sa Higher Education Institutions (HEIs).

Pagbibigay-diin ni Escudero, alam ito ng DepEd at mismong ang kagawaran na rin ay hindi na magbabayad sa mga State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs) para sa programa matapos na hindi na ito hingan ng budget ng ahensya sa 2024.

Kung hindi na babayaran ang mga HEIs ay hindi naman nila maaaring abonohan ang SHS program at hindi rin pwedeng sabihin ng DepEd na hindi nila ito alam o hindi nila napaghandaan.


Paliwanag ni Escudero, kung tutuusin ay tatlong taon na ang ibinigay na palugit sa DepEd para makapag-adjust sa programa matapos itong palawigin pa mula 2021 hanggang 2024.

Maliban pa rito ay kailangan na rin ng SUCs at LUCs ang mga silid-aralan lalo’t tumataas na ang bilang ng mga nag-e-enroll at kailangan na rin nila ang mga pasilidad matapos na bumalik na ang face-to-face classes sa mga eskwelahan.

Dagdag pa ni Escudero, hindi na dapat nangyayari sa panahon ngayon ang naturang problema at malinaw na hindi naasikaso at hindi natutukan ng DepEd ang SHS program sa kabila ng mga extension.

Facebook Comments