Paiimbestigahan ni Senator Raffy Tulfo ang nangyaring glitch sa three-digit Swertres Lotto game noong Pebrero 27.
Sa glitch na nangyari ay biglang nahulog sa loob ng machine ang unang bola sa 3-digit at dito ay nagkaroon ng 15 minutong pagtigil sa draw para palitan ang makina at ulitin ang pagbola sa unang numero habang ang 2nd at 3rd digits ay hindi na inulit sa pag-draw.
Ayon kay Tulfo, magsasagawa ng imbestigasyon dito ang Senado upang malaman kung talaga bang nagkaroon lamang ng aberya sa mga makina o panibagong kaduda-dudang aksyon na naman ito ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Aniya pa, bad timing ito para sa PCSO dahil hindi pa natatapos ang imbestigasyon sa kwestyunableng e-Lotto system ay may panibago na naman silang isyu.
Naniniwala rin si Senator Imee Marcos na kailangang busisiin ang nangyaring glitch sa PCSO sabay giit sa ideya na ipakita rin ang kung sino ang mga tunay na nananalo sa Lotto upang maiwasan ang pagdududa ng publiko.