Hinihimok ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Office of the Solicitor General (OSG) na dalhin sa Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague o sa United Nations (UN) ang ginawa ng China na paglalagay ng baselines sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.
Giit ni Estrada, ang hakbang ng gobyerno ay dapat higit pa sa paghahain ng diplomatic protest at pagpapatawag kay Chinese Ambassador Huang Xilian.
Pagbibigay-diin ng senador, dapat na maipalaganap sa mga international bodies ang ipinasang bagong maritime law para gawin nilang batayan laban sa mga claim ng China.
Sinabi pa ni Estrada na malinaw na sa atin ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal at mismong ang PCA ay nagdesisyon noong 2016 na nagpapawalang-bisa sa pag-angkin ng China sa West Philippine Sea.
Giit ng mambabatas nasa loob ng ating exclusive economic zone (EEZ) ang Bajo de Masinloc batay na rin sa depinisyon ng international law partikular United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).