Thursday, January 15, 2026

Senador, ipinagtanggol si Sen. Dela Rosa mula sa mga kritiko dahil sa matagal na hindi pagpasok nito sa Senado

Dinepensahan ni Senator Robinhood Padilla si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa laban sa mga bumabatikos at nananawagan ng parusa sa hindi pagpasok ng senador sa Senado.

Sa Facebook post ni Padilla, sinabi niya sa mga bumabatikos kay Dela Rosa na hindi pulis patola ang mambabatas at isa itong war veteran.

Iginiit nito na ang pagiging senador ay hindi lamang nangangahulugan ng pag-upo sa opisina, pakikipagpalitan ng tsismis sa media, at pagsasalita ng maganda sa plenaryo.

Punto ni Padilla, sa kabila ng pagiging absent ni Dela Rosa, kumpletong nagtatrabaho ang kanyang mga staff na mahuhusay din sa pagsasaayos ng panukalang batas at iba pang trabaho sa opisina.

Kumpleto rin aniya ang komunikasyon at patuloy na umaandar ang opisina ng mambabatas kaya tanong ni Padilla ay ano ang ipinuputok ng inggit at pinag-iinteresan ang pagpataw ng parusa sa hindi pagdalo ng sesyon ni Sen. Bato.

Dagdag ni Padilla, ang hindi pagpasok ni Dela Rosa ay malinaw naman na dahil may pinagdadaanan ang mambabatas at kinakailangan nitong pangalagaan ang sarili mula sa panggigipit ng mga dayuhan.

Facebook Comments