Dinepensahan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa si Vice President Sara Duterte kaugnay sa naging pahayag ng ikalawang pangulo na ang muling pagbuhay sa peace talks sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay maituturing na isang “kasunduan sa demonyo”.
Pagtatanggol ni Dela Rosa, ito ay simpleng apela lamang ni VP Duterte kay Pangulong Bongbong Marcos na kung maaari ay irekonsidera ang muling pakikipagkasundo sa pagitan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army- National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Paliwanag ng senador na hindi dapat haluan ng kulay ang sinabi ng Bise Presidente dahil bilang taga Mindanao ay sobrang apektado si Duterte ng mga naging karanasan noon sa NPA.
Maging aniya siya na noo’y 2nd lieutenant pa lamang ay nasaksihan na masawi ang mga tauhan sa kanyang tabi matapos mapatay ng mga NPA kaya kung siya rin ay tatanungin ay wala siyang tiwalang makipagkasundo sa mga ito.
Paglilinaw naman ni Dela Rosa, pabor na pabor siya sa peace talks dahil lahat naman ay gusto ng kapayapaan, iyon lamang dapat kung magpapatuloy ang usaping pangkapayapaan ay dapat masunod ang ating kondisyon at hindi ang gusto o dikta ng NPA.
Apela pa ng mambabatas sa gobyerno na kung maaari lang ay huwag magpatupad ng ceasefire habang may peace talks dahil sa ilang dekadang pakikipagkasundo sa mga miyembro ng NPA ay napatunayan niyang hindi sinsero ang mga ito sa pakikipag-usap.
Aniya, ginagamit lamang ng CPP-NPA-NDF ang ceasefire para magpalakas ng kanilang pwersa kung saan ang mga ito ay bumababa sa kapatagan, nag-re-recruit ng mga bagong miyembro, bumibili ng mga armas, bala at ibang logistics sabay biglang bibitaw sa negosasyon at balik na naman ulit sa labanan.