Senador, ipinakukunsidera sa OP ang mga manggagawang apektado ng suspensyon ng isang noontime show

Courtesy: ABS-CBN Entertainment YouTube channel

Umapela si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., sa Office of the President (OP) na ikunsidera ang mga manggagawa ng noontime show na ‘It’s Showtime’ na apektado ng pagkakasuspinde ng programa.

Kaugnay ito sa pagbasura ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) sa motion for reconsideration ng ABS-CBN at GMA para sa naturang noontime variety show.

Humiling si Revilla sa MTRCB, na isaalang-alang ang kapakanan ng mga maliliit na staff at crew ng show na wala namang kinalaman at kasalanan sa mga nangyari.


Panawagan ng senador sa OP, na ikunsidera ang mga ‘no work-no pay’ na mga manggagawa at empleyado ng programa na dalawang linggong walang kikitain dahil hindi makakapagtrabaho matapos na patawan ng suspensyon ng MTRCB.

Naniniwala si Revilla, na natuto naman na ng leksyon ang lahat at umaasa siyang huwag nang idamay sa paparusahan ang mga manggagawang nagtatrabaho lang ng maayos para mabuhay.

Facebook Comments