Kinalampag ni Senate Committee on Health Chairman Christopher ‘Bong’ Go ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na isama sa coverage ng benepisyo nito ang mga emergency outpatient services.
Sa kasalukuyan, ang tanging sakop lang ng PhilHealth ay ang mga pasyenteng naka-admit sa mga ospital.
Hinikayat ng senador na repasuhin ng state health insurer ang kanilang polisiya at ikunsidera ang suhestyon na saklawin na rin ang emergency outpatient services.
Tinukoy ni Go na may ilang mga pasyente na hindi naman kailangang ma-confine ang nagdedesisyong magpa-admit para lang makakuha ng PhilHealth benefits.
Hinimok rin ng mambabatas ang PhilHealth na pagtuunan ng pansin ang preventive care gaya ng regular check-ups, dental cleaning, at early intervention sa mga minor health concern.