Friday, February 27, 2026

Senador, ipinasisiyasat ang umano’y pagnanakaw at karahasan na kinasangkutan ng ilang TNVS delivery riders

Pinaiimbestigahan ni Senator Raffy Tulfo ang umano’y mga karahasang kinasangkutan ng ilang motorcycle delivery riders at motorcycle taxi drivers.

Sa Senate Resolution 305 na inihain ni Tulfo, tinukoy ang reklamo ng isang ginang na nagpa-book sa isang delivery platform ng mga saging na pambenta sana at nagkakahalaga ng P93,000 pero hindi dumating.

Isa ring public school teacher ang itinakbo ng rider ang kanyang pina-deliver na laptop habang sa Cainta, Rizal, arestado ang isang motorcycle taxi driver matapos na pagsamantalahan ang babaeng kanyang pasahero.

Dagdag pa ang kaso ng isang TNVS driver na nanaksak ng kanyang pasahero.

Nakasaad sa resolusyon ni Tulfo na kailangang marepaso kung sapat ang mga batas at regulasyon na ipinapatupad sa mga delivery service at transport network vehicle service para matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Mahalaga aniyang masilip ang regulasyon para matiyak ang accreditation at background check sa mga riders at aalamin ang paraan ng pagmo-monitor sa mga ito.

Facebook Comments