Itinuro ni Senator Cynthia Villar sa matinding polusyon, reklamasyon at importasyon ng fingerlings ang pagtaas sa presyo ng bangus at galunggong.
Ayon kay Villar, dahil sa mga nakakaing basura ng mga isda tulad ng plastic ay umuunti ang nahuhuling isda sa karagatan tulad na lamang ng mga nahuling bangus sa Butuan City at Agusan del Norte na nakitaan ng microplastics.
Maging ang matinding polusyon ay tinukoy rin na isa sa pangunahing problema ngayon ng may 15 kilometro na municipal waters na malapit sa Metro Manila.
Napuna rin ni Villar na lumiliit ang karagatang napagkukunan ng isda bunsod na rin ng malawakang reclamation tulad ng ginagawa sa Manila Bay.
Bukod dito, nakadagdag sa pagmahal ng isda ang ginagawang pag-aangkat ng mga fingerlings na ang pangunahing sanhi ng importasyon ay ang pagkasira ng tirahan ng mga isda tulad ng bakawan.