Nanawagan si Senator Robinhood Padilla sa agarang pagpapatibay ng Senado sa Freedom of Information (FOI) Bill.
Sa sponsorship speech ni Padilla, Chairman ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, sinabi niya na layunin na maisulong dito ang transparency, accountability at labanan ang katiwalian.
Sa ilalim aniya ng FOI Bill, ginagarantiya nito na ang bawat indibidwal ay mabibigyan ng access sa hihilinging impormasyon mula sa mga ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Padilla, ang Senate Bill 2880 o ang consolidated version ng FOI Bill ay maia-apply sa lahat ng sangay ng gobyerno kasama ang Executive, Legislative, at Judicial Offices, gayundin ang mga constitutional office, local governments, state universities and colleges (SUCs), government-owned and controlled corporations (GOCCs), at iba pang tanggapan ng gobyerno.
Exempted naman sa FOI ang mga impormasyon na may kinalaman sa national security and defense, diplomatic safety, mga impormasyon sa executive session ng Kongreso, trade secrets, at presidential privilege.
Bagama’t maaaring hingiin ang kopya ng SALN ng mga opisyal ng gobyerno, hindi naman pwedeng ibigay ang mga personal na impormasyon tulad ng address, detalye ng mga dependents, lagda, kopya ng mga ID at iba pang personal information.