Senador, isinusulong na ipagbawal ang bentahan ng paputok online

Hiniling ni Senator Sherwin Gatchalian na maisabatas na sa lalong madaling panahon ang pagbabawal sa pagbebenta ng paputok matapos kakitaan ang pagtaas ng bentahan nito sa online.

Kaugnay na rin ito sa naunang inihaing panukalang batas ni Gatchalian na Senate Bill 1144 o ang Firecrackers Prohibition Act na nag-aamyenda sa Republic Act 7183 o “An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution, and Use of Firecrackers and other Pyrotechnic Devices.”

Iginiit ng senador na mahalagang maipasa ang batas na nagbabawal sa pagbebenta at pamamahagi ng mga paputok sa online platform.


Mahalaga aniyang maipatupad ito bago pa dumami ang magpunta sa online platform para magbenta at bumili ng mga paputok at iba pang pyrotechnic devices.

Dahil sa dumarami ang mga nagtitinda ng paputok sa online ay nagdudulot ito ng panibagong hamon sa mga awtoridad kaya dapat na magpatibay na ng batas upang mapigilan ang talamak na bentahan ng paputok sa online at sa panganib pa na maaaring idulot nito sa publiko.

Facebook Comments