Senador, itinangging fund raising para sa impeachment ang 2025 national budget

Itinanggi ni Senator Imee Marcos na para sa “fund raising” ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ang 2025 national budget.

Ayon kay Sen. Marcos, may mga malisyosong nagsasalita na fund raising na para sa impeachment sa Pangalawang Pangulo ang pambansang pondo at makalilikom ito ng P1 trillion.

Giit ng senadora, wala namang basehan ang akusasyon sa 2025 budget.


Bagama’t hindi idinetalye, sinabi ni Sen. Marcos na nag-usap na sila ni VP Sara subalit di pa sila nagkikita dahil madalas nasa Davao ang Bise Presidente habang siya naman ay panay ang punta sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Aniya, wala siyang paghahanda na ginagawa sakaling umakyat sa Senado ang impeachment case laban kay VP Duterte dahil alam naman niya ang kanyang gagawin.

Pero kung siya ang tatanungin, hindi maganda ang idudulot ng impeachment sa bansa at maraming mas dapat na tutukan ang gobyerno tulad ng mataas na presyo ng bigas, kuryente, mga pangangailangan ng mga sundalong nagbabantay sa West Philippine Sea (WPS) at iba pang napakaraming problema.

Facebook Comments