
Isinusulong ni Senate Minority Leader Tito Sotto III na obligahin ang mga pribadong kumpanya na magbigay ng 14th month pay sa kanilang mga empleyado.
Iba pa ito sa 13th month pay na natatanggap ng mga manggagawa na nakapaloob sa batas o sa Presidential Decree No. 851.
Layunin ng isinusulong na panukala ni Sotto na maibsan ang pasanin ng mga manggagawa sa tumataas na gastusin at matulungan ang mga pamilya sa mataas na gastusin sa pag-aaral ng mga anak.
Binigyang-diin ni Sotto na sa nakalipas na limang dekada ay nagbago na ang pangangailangan at halaga ng gastusin ng mga Pilipinong manggagawa kaya naman napapanahon na para makatanggap naman ng 14th month pay ang mga nagtatrabaho sa pribadong sektor.
Sakop ng panukalang 14th month pay ang lahat ng mga rank-and-file employees sa private sector, mga kasambahay at iba pang manggagawa na entitled nang makatanggap ng 13th month pay.
Mayroon ding exemptions na ipapatupad ang panukalang batas upang hindi naman mabigatan at mas mahirapan ang mga naghihingalong negosyo.









