
Umapela si Senator Raffy Tulfo sa Department of Labor and Employment (DOLE) at sa National Wages and Productivity Commission na pag-aralan ang pagpapantay ng minimum wage sa lahat ng mga manggagawa sa buong bansa.
Para kay Sen. Raffy, Vice Chairman ng Senate Committee on Labor and Employment, hindi na makatwiran na magkakaiba ang minimum wage sa bawat rehiyon.
Paliwanag ng mambabatas, lahat naman ng mga manggagawa ay apektado ng inflation o pagtaas na presyo ng mga bilihin.
Itinuro pa ng senador na ang pagdami ng mga tao sa Metro Manila ay bunsod din ng maliit na sahod sa mga lalawigan at malalayong rehiyon.
Sa kasalukuyan, nasa P695 ang arawang minimum wage sa National Capital Region (NCR) at malayo ito sa P411 na daily minimum wage sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at P415 naman sa CARAGA region.









