
Kinalampag ni Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go ang Department of Health (DOH) na bayaran ang natitira pang P6.7 billion na utang na health emergency allowance (HEA) para sa mga healthcare workers na nagsilbi noong panahon ng pandemya.
Giit ni Go, bayaran na ng buo ng ahensya ang nasabing utang dahil ito ay pinagserbisyuhan at pinaghirapan ng mga healthcare workers.
Punto ng senador, noon pang panahon ng pandemic naisabatas ang pagbibigay ng HEA bilang insentibo sa ibinigay na serbisyo ng mga medical frontliners.
Dahil sa pangangalampag ng komite ni Go ay binayaran ng Department of Budget and Management (DBM) at DOH ang nasa P27 billion na health emergency allowance noong nakaraang taon.
Ipapatawag ng mambabatas ang mga ahensya para alamin ang dahilan sa backlog sa pagbibigay ng naturang allowance.









