Kinalampag ni Committee on Public Services Chair Senator Grace Poe ang Department of Transportation (DOTr) na ipamahagi na ang fuel subsidy sa mga tsuper at operators ng Public Utility Vehicles (PUVs).
Ang panawagan ng senadora ay kasunod ng panibagong fuel price hike ngayong linggo kung saan P1.10 ang dagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina, P0.20 sa kada litro ng diesel at P0.70 sa kada litro naman ng kerosene.
Giit ni Poe, inilatag na ng Senado sa 2023 budget ang P3 billion na fuel subsidy na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagagamit kahit halos matatapos na ang taon.
Agad na pinag-i-isyu ng senadora ang DOTr ng memorandum circular at agad na magpatupad na ng kasunduan para sa kinakailangang paglalabas ng long overdue na fuel subsidy.
Muli ring nanawagan si Poe sa Department of Finance (DOF) na suspendihin ang excise tax sa fuel at mga produktong petrolyo kahit hanggang sa maging matatag lang ang presyo.
Hiniling din ni Poe sa DOTr at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na humanap ng ibang alternatibong paraan o remedyo para matulungan naman ang PUV sector at ang mga commuter na direktang apektado ng serye ng pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.