Wednesday, January 21, 2026

Senador, kinalampag ang Meta na bilisan ang pagtugon sa mga ulat ng fake news

Kinalampag ni Senator Rodante Marcoleta ang tech giant na Meta upang bilisan ang pagtugon sa mga reklamo kaugnay ng pagkalat ng fake news sa social media.

Ayon sa senador, siya mismo ay nabiktima ng fake news content laban sa kanya, kung saan dalawa sa mga ito ang napatanggal na niya sa online platform.

Gayunman, ang ikatlong content ay ibinaba lamang sa fact-checking system ng Meta at patuloy pa ring naibabahagi ng ilang users.

Inirereklamo ng mambabatas kung bakit ang mga biktima pa umano ng fake news ang kailangang gumawa ng paraan upang ma-take down ang maling impormasyon na, aniya, hindi lamang nakakainis kundi nakasisira rin sa reputasyon.

Mainam aniya kung mas mabilis na tutugon ang Meta sa mga reklamo upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng disinformation at misinformation.

Umapela rin si Marcoleta sa mga itinalagang fact-checkers sa bansa na Rappler at Vera Files na paigtingin pa ang kanilang pagkilos sa pagtugon sa mga reklamo ng mga online users.

Facebook Comments