
Kinondena ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada ang panibagong pangha-harass ng China Coast Guard sa barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Teresa Magbanua malapit sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.
Giit ni Estrada, dapat matigil na ang mga ganitong uri ng harassment ng China sa bansa.
Ipinunto ng mambabatas na hindi na mababago ang katotohanan na ang nasabing teritoryo ay sakop ng Pilipinas.
Siyam na taon nang nakalipas mula nang magdesisyon ang United Nations Permanent Court of Arbitration pabor sa sovereign rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ito kinikilala at tinatanggap ng China.
Ang masaklap ay nais pang baliktarin ng CCG ang katotohanan at palabasin na mali ang ginagawang pagpapatrolya ng BRP Teresa Magbanua sa loob mismo ng ating exclusive economic zone (EEZ) noong July 15.
Tiniyak ni Estrada na suportado niya ang PCG at walang pananakot ng mga dayuhan ang maaring makabura sa soberanya ng Pilipinas sa WPS na siyang kinikilala ng International Law.









