Kinwestyon ngayon ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang pagsertipika bilang urgent sa Maharlika Wealth Fund (MWF) Bill.
Ngayong hapon nga ay inilabas ng Malakanyang ang certification na nag-uutos sa Kamara na madaliin na ang pagpapatibay sa Maharlika Bill sa ikalawa, ikatlo at huling pagbasa.
Ayon kay Pimentel, mistulang set-up ang nangyari dahil hindi pa tumatagal ang request para masertipikahang urgent ang Maharlika Bill ay agad ding ipinag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos na bilisan na ang pag-apruba sa panukala.
Tanong din ng senador kung anong meron sa panukala at tiniyak na aalamin ang dahilan sa pagmamadali rito sa oras na maisalang sa interpelasyon ang Maharlika Bill.
Binigyang-diin ni Pimentel na ang presidential certification ay para lamang dapat sa mga isinusulong na legislative measures o panukala na may kaugnayan sa public emergency o calamity.
Nauna ring sinabi ng senador na kung mag-isyu ng sertipikasyon sa Maharlika Fund Bill ang pangulo ay malinaw na isa itong pag-abuso sa prerogative at kapangyarihan ng isang pangulo.