
Pag-aaralan muna ni Senator Rodante Marcoleta ang nilalaman ng partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa maanomalyang flood control projects.
Partikular na tinukoy ni Marcoleta si dating Speaker Martin Romualdez na inirerekomenda lang ng Blue Ribbon Committee para sa patuloy na fact-finding at case-build up dahil kulang sa corroboration ng mga testimonya at kulang ang ebidensya na maguugnay sa kanya sa katiwalian.
Tanong tuloy ni Marcoleta, bakit iyon lamang ang rekomendasyon ng BRC gayong lahat naman ay itinuturo si Romualdez at lahat ng nasasangkot ay papunta sa pangalan ng dating Speaker.
Maliban sa isyung ito, nais makita ng senador kung nasa draft ng committee report ang lahat ng mga pangalang nabanggit na sangkot sa ghost flood control projects gayundin ang mga tumanggap ng pera at mga kasabwat.
Dagdag pa ni Marcoleta, may mga ibinulgar noong una si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Ping Lacson na ang ilan ay hindi naman kasama sa ipinatawag sa pagdinig at wala rin sa draft ng report kahit pa matindi ang exposé.
Tinukoy ng senador ang isiniwalat ni Lacson na 67 mga kongresista na contractors gayundin ang limang cabinet secretaries at Undersecretary na beneficiary ng allocables sa ilalim ng Cabral files at ang umano’y P8 to P9 billion na kickback na idineposit ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo kay dating DepEd Usec. Trygve Olaivar na ibinigay naman kay dating Usec. Adrian Bersamin.










