Senador, kumbinsidong nagsisinungaling si Shiela Guo

Naniniwala si Senator Sherwin Gatchalian na nagsinungaling sa pagdinig ng Senado si Shiela Guo.

Ayon kay Gatchalian, taliwas sa mga pahayag ni Shiela na wala itong alam sa operasyon ng mga kumpanya ng mga Guo, naniniwala siyang maraming alam si Shiela at nagpapanggap na lamang na inosente ito.

Naikumpara pa ni Gatchalian na pareho at walang pinag-iba ang mga aksyon ni Shiela sa mga naging kilos ni Alice.


Tinukoy ng senador na 96 na beses siyang lumagda sa mga dokumento ng mga kompanya ng pamilya Guo bilang secretary o treasurer na patunay ng malalim niyang kaalaman.

Kasabay nito, napatatag pa ang paniniwala ni Gatchalian na ginamit ang embroidery at farm corporations ng pamilya Guo upang maipasok sa bansa ang mga perang ginamit sa pagtatayo ng mga POGO hub sa Tarlac at Pampanga.

Sinabi ng senador na batay sa mga dokumento ang kita ng embroidery noong 2013 ay P1 million lamang subalit ang pumasok na pera ay P576 million habang ang QJJ Farm ay kumita lamang ng P1.4 million subalit ang pumasok na deposits ay P4.4 billion.

Facebook Comments