Tiwala si Senator Migz Zubiri na walang makikitang katiwalian sa paggamit ng pondo ang Senate Committee on Accounts hinggil sa pagtatayo ng New Senate Building.
Bukas, Miyerkules, ay iimbestigahan ng naturang komite ang umano’y paglobo ng pondo para sa pagpapatayo ng New Senate Building sa Taguig City.
Ayon kay Zubiri, wala talagang makikitang iregularidad sa minana niyang proyekto mula kay dating Senate President Vicente Sotto III at dating Accounts Chairman Senator Panfilo Lacson.
Kilala aniya ang mga dating senador na mahigpit pagdating sa accountability at transparency kaya naman nang maupo siya bilang Senate president ay pinanatili niya ang pagiging transparent kung saan wala silang basta-bastang lalagdaan hangga’t hindi nakikita ang mga materyales na gagamitin.
Tinitiyak din ni Zubiri na sumunod sila sa tamang sistema at proseso ng procurement service law at kumpiyansa siyang nagawa ni Senator Nancy Binay, dating Chairperson ng Committee on Accounts ang kanyang tungkulin.
Kung may dapat mang silipin ang komite, naniniwala si Zubiri na ito ang “variants” o ilang pagbabago na ginawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil wala naman talagang makikitang misappropriation sa paggamit ng pondo.