Magbibigay ng tulong legal ang tanggapan ni Senator Francis Tolentino sa pamilya ng tatlong mangingisdang nasawi matapos banggain ng crude oil tanker na “Pacific Anna” ang kanilang bangkang pangisda sa bahagi ng katubigan sa Pangasinan.
Kahapon ay dumalaw si Tolentino sa burol ng mga mangingisdang nasawi na sina Dexter Laudencia, Romeo Mejeco, at Benedicto Olandria para makiramay sa mga pamilyang naiwan.
Ayon kay Tolentino, handa siyang magkaloob ng legal assistance sa pamilya ng mga biktima kung gusto ng mga ito na maghain ng kaso laban sa may-ari at sa kapitan ng barko.
Sinabi ng senador na pwedeng maghain ng kaso ang pamilya ng mga nasawi maging ang 11 survivors na apektado ng insidente at ang hurisdiksyon ng kaso ay sa Zambales o kaya ay sa Pangasinan.
Bukod sa legal assistance, magaabot din ng tulong pinansyal ang mambabatas sa mga naulilang pamilya lalo’t malapit na ring ilibing ang tatlong mangingisdang nasawi.