Maghahain ng panukala si Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian para tuluyang ipagbawal ang paggamit ng cellphone ng mga bata sa loob ng mga paaralan.
Ayon kay Gatchalian, isusulong niya sa Senado ang pag-ban ng mga cellphone sa loob ng mga eskwelahan lalo’t napatunayan na sa mga pag-aaral na nakakaapekto sa mental health ng mga kabataan ang paggamit ng nasabing gadget.
Batid naman ng senador na ang mga bata ngayon ay iba na ang pag-iisip dahil sa epekto na rin ng social media at mga cellphones.
Inihalimbawa pa ng senador na kapag recess ay cellphone agad ang inaatupag ng mga bata at wala nang kwentuhan o pakikipaglaro man lang sa mga kaklase.
Aniya pa, para lumaking marunong makipagkaibigan at magbasa ang mga kabataan ay maiging ipagbawal ang paggamit ng cellphone kapag nasa loob ng mga paaralan.