Nagbanta si Senator Raffy Tulfo sa pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) na mananagot sila kapag naulit na may mga tumutulong tubig sa loob ng Terminal 2 na sinasalo ng mga batya at tray matapos ang malakas na pag-ulan dulot ng Bagyong Enteng.
Tiniyak ni Tulfo sa MIAA na kapag naulit ito ay mayroong mapaparusahan sa ahensya.
Paliwanag naman dito ni MIAA Spokesperson Atty. Chris Bendijo, bago pa man makarating ang reklamong ito kay Sen. Tulfo ay on-going ang pagkukumpuni rito ng kanilang engineering team.
Paglilinaw ni Bendijo, nagpapatuloy pa kasi ang waterproofing project sa T2 kaya ang ilang bahagi na tumutulo ang tubig ay nakita lamang nitong umuulan at kinailangan talagang maglagay ng pang-salo ng tubig upang hindi kumalat sa terminal.
Naglatag aniya ng mitigating measures ang MIAA kung saan naglagay sila ng kanal na pwedeng daluyan ng tubig at minarkahan ang mga nakitaan ng leak.
Samantala, nais naman masiguro ni Tulfo na natutupad ang Airway Passenger Bill of Rights kung saan ang mga stranded na pasahero ay nabibigyan ng pagkain, tubig, at accommodation lalo na kung made-delay o kanselado ang mga flights.