Senador, may hamon kay dating Sen. Panfilo Lacson tungkol sa tinangkang suhulan ng 1 bilyong piso ni Alice Guo

Hinamon ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada si dating Senador Panfilo Lacson na tukuyin at pangalanan kung sino ang inalok ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ng ₱1 billion para ilapit at humingi ng tulong sa first family.

Ayon kay Estrada, napakalaking pera ang pinag-uusapan kaya sana ay isiwalat na ng dating senador kung sino ang inalukan ng suhol.

Nais din ng senador na maipatawag si Lacson at hilingin rito na pangalanan na ang inalok ng ganung kalaking halaga at para matigil na rin ang hulaan.


Naniniwala si Estrada na kahit pa may ganung kalaking halaga si Guo ay tiyak na walang tatanggap ng P1 billion dahil napaka-sensationalize ng kasong ito.

Samantala, ngayong umaga ay muling ipagpapatuloy ng Senate Committee on Women ang pagdinig patungkol sa mga iligal na operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Pampanga at Tarlac kung saan haharap muli rito si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Facebook Comments