Nagpaalala si Senator Risa Hontiveros sa mga kasamahan sa pamahalaan at sa mga awtoridad na hindi dapat gawing isang “social event” ang pag-aresto sa isang puganteng nahaharap sa mga patong-patong na kaso.
Kasunod na rin ito ng mga nagkalat na masayang selfie ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kasama ang ilang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration (BI) at ilang mga high ranking government officials na ikinadismaya ng marami.
Sinabi ni Hontiveros na dapat maalala ng lahat na isang pugante si Guo na nahaharap sa patong-patong na kaso ng human trafficking, money laundering, fake identity, gross misconduct, illegal recruitment and detention, at korapsyon.
Hamon pa ng mambabatas kay Guo na marami itong dapat na ipaliwanag sa imbestigasyon sa Lunes at abangan na lamang niya sa pagdinig kung gaano siya ka-photogenic sa mga unli pictures nito.
Marami aniyang dapat na ipaliwanag si Guo sa Senado sabay banta ng senadora na pagbabayaran ng pinatalksik na mayor ang pagsisinungaling, pagtatago, pagtakas at ang panloloko na ginawa nito sa mga Pilipino.