Senador, may paalala sa tunay na tungkulin ng mga senator-judges

Nagpaalala si Senator Ping Lacson na ang trabaho ng mga senator-judges ay magbaba ng ruling o desisyon batay sa mga argumentong ilalatag ng prosekusyon at depensa patungkol sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Kaugnay na rin ito sa naging pahayag ng tagapagsalita ng Senate Impeachment Court na si Atty. Reginald Tongol na inaasahan nila ang mainit na debate sa korte kapag nagmosyon si Senator Ronald “Bato” dela Rosa kung dapat bang ituloy ng Senate 20th Congress ang impeachment trial laban kay Duterte.

Sa social media post, binigyang-diin ni Lacson ang kanyang maingat na paalala sa mga senator-judges na ipaubaya sa prosecution at defense team ang paghahain ng mga mosyon at pleadings hinggil sa impeachment trial.

Iginiit ng mambabatas na ang tungkulin nila sa impeachment court ay pakinggan ang mga argumento at counter-arguments ng dalawang panig at saka magbaba ng desisyon.

Matatandaang nilinaw din ng senador na kung ipapa-dismiss man ang impeachment case laban kay VP Sara ito ay dapat imosyon ng depensa at hindi ng sinumang senator-judge.

Nauna ring sinabi ni Tongol na maaaring mauwi sa botohan ang mosyon ni Dela Rosa o posible ring may senator-judge na tumutol o harangin ito o kaya naman ay pwede ring may senator-judge na unahan siyang magmosyon para hindi matuloy ang pagpapa-dismiss sa kaso.

Facebook Comments