Senador, may payo sa mga kandidato; isyu ng pag-aresto kay FPRRD, huwag nang gamitin sa pangangampanya

Nanawagan si Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada sa mga kandidato ngayong 2025 midterm elections na huwag nang gamitin sa kanilang pangangampanya ang naging pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Bagama’t batid ni Estrada na hindi maiiwasang may mga politiko ang gagamit sa isyu ng pagdakip sa dating Pangulo, pero mas mainam at makabubuti aniya kung sentro sa mga plataporma ang sasabihin sa kampanya.

Payo ng mambabatas, mag-focus na lamang ang mga kandidato sa kung ano pang pwede nilang gawin sa bayan.


Samantala, sang-ayon din si Estrada sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na mag-move on na ang lahat sa mga nangyari dahil hindi na rin naman maibabalik sa Pilipinas ang kanyang ama.

Sinabi ng senador na hinangaan niya sa puntong ito si VP Duterte at tama rin na mag-move on na ang lahat mula sa isyu dahil kung hindi ay magiging paulit-ulit na lamang at hindi na makauusad ang bansa.

Facebook Comments