Muling iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go na napapanahon na para magkaroon ng isang departamento na nakatuon sa kalamidad.
Kaugnay na rin ito sa 6.8 magnitude na lindol na yumanig sa General Santos City at naramdaman din sa ibang bahagi ng Southern Mindanao.
Punto ni Go, mahalagang mayroon nang ahensya na nakatutok agad sa mga kababayang maaapektuhan ng kalamidad bago man tumama ang bagyo, lindol, at pagputok ng bulkan.
Binigyang-diin ng senador ang pangangailangan na mayroong isang ahensya na mangangasiwa sa agad na pagpapalikas sa mga tao, preposition ng mga relief goods, at siyang tatanggap ng mga tulong mula sa mga ahensya ng pamahalaan.
Aniya, kung mayroong Department of Disaster Resilience (DDR) ay mayroon agad isang coordinating office na makikipag-ugnayan sa mga LGU para maibigay agad ang mga pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.
Ngayon aniya sa nangyaring lindol ay mga LGUs pa ang lumalapit sa mga ahensya ng gobyerno para maiparating kung anong tulong na kailangan nila hindi tulad kapag mayroon nang DDR ay mismong ahensya ang lalapit at magaasikaso para sa mas mabilis na pagbibigay ng tulong at rehabilitasyon para makabalik sa normal na pamumuhay.