Senador, muling hiniling ang pagsusumite ng DPWH ng “real flood control budget”

Hiniling ni Senator Bam Aquino sa Senado na huwag tanggapin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) budget sa 2026 na kinakitaan ng mga senador ng maraming red flag sa mga flood control project.

Muling inihirit ni Aquino sa budget briefing na ibalik sa ehekutibo ang DPWH budget para ayusin at alisin ang mga natukoy na ghost projects at magsumite sa Senado ng tunay na flood control budget.

Batid ng senador na hindi pangkaraniwan ang proseso na kanyang isinusulong pero nagbabakasali siyang magbigay ng exception sa prosesong ito para sa “real flood control budget” na maipagmamalaki at hindi ikahihiya.

Gayunman, sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ang prosesong nais ipagawa ng mambabatas ay wala sa Konstitusyon at sa budget rules.

Suhestyon din ni Aquino na kung anuman ang output o maging resulta ng mga imbestigasyon sa flood control projects ay ibalik ito sa mga mambabatas bilang proposed amendments at ito ang magiging batayan ng mga pagbabagong ilalatag sa DPWH budget.

Tiniyak naman ni Pangandaman na bukas ang DPWH sa mga kailangang palitan sa pamamagitan ng department amendment at maaari namang tapyasan ng mga senador ang DPWH budget sa P500 billion o P400 billion kung hindi palagay ang mga mambabatas sa mahigit P800 billion na panukalang pondo ng ahensya sa susunod na taon.

Facebook Comments