Muling nagpaalala si Senator Christopher “Bong” Go sa mga kapwa senador na paglaanan ng mahabang panahon ang pag-aaral sa pag-amyenda ng Konstitusyon.
Sa ginanap na pagdinig ng Senate Subcommittee on Constitutional Amendments and Revision of Codes sa Baguio City kahapon, iginiit ni Go ang pangangailangan na paglaanan pa ng higit pa sa sapat na panahon ang anumang planong pagbabago sa Saligang Batas.
Giit ng senador, pabor siyang pag-usapan at silipin ang economic provisions lalo’t 36 na taon na ang Konstitusyon pero dapat ay nakaayon ito sa kagustuhan ng taumbayan.
Pakiusap ni Go, huwag madaliin at pag-aralang mabuti ang Charter Change at tiyaking ang mga Pilipino ang higit na makikinabang dito.
Ikinalugod ng mambabatas na sinimulan na ng Senado ang konsultasyon sa Cha-Cha sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung saan matapos sa Baguio sa Luzon ay sunod naman sa Cebu sa Visayas at Cagayan de Oro sa Mindanao.