
Nanindigan si Senate President pro-tempore Ping Lacson na sa ebidensya babatay ang Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa umano’y cash delivery scheme ng 18 mga dating militar na sinasabing naging tauhan ni dating Congressman Zaldy Co.
Tungkol ito sa naging pahayag ng Iglesia Ni Cristo (INC) na nananawagan ng pananagutan sa umano’y katiwalian ng flood control kung saan binanggit na ang sinasabing money delivering scheme ay patunay na mayroong anomalya na kinasangkutan ang ilang matataas na opisyal.
Sinabi ni Lacson na iginagalang niya ang pananaw ng INC subalit nilinaw niya na hindi nangangahulugan na ang pagkakaroon ng magkaibang opinyon ay kawalan ng respeto.
Pinagtibay ng senador na bilang Chairman ng Blue Ribbon Committee ay hindi magbabago ang kanyang posisyon na tanging mga ebidensya lang ang magiging gabay sa imbestigasyon sa flood control scandal.
Magiging maingat at lohikal aniya siya sa mga impormasyon na kanyang nakukuha kung saan i-e-evaluate at iva-validate nilang mabuti ang credibility at reliability ng mga sources ng impormasyon bago sila umaksyon.










