Naalarma si Senator Risa Hontiveros sa natanggap niyang impormasyon na may mga opisyal mula sa Bureau of Immigration (BI) ang nagtangkang piyansahan para palayain ang Chinese businessman at Philippine Offshore Gaming Operators o POGO personality na si Tony Yang.
Giit ng senadora, dapat na manatili sa detensyon si Yang lalo’t napakaraming ebidensyang magpapatunay na inabuso niya ang mga patakaran sa bansa.
Sinabi ng senadora na kung kailangan ni Yang na magpaospital ay maaari naman siyang magpagamot pero dapat ay manatili pa rin siya sa kustodiya ng gobyerno.
Tinukoy rin ni Hontiveros na mayroong warrant of arrest sa China si Yang kaya bakit hahayaan lang na makawala ito at makapagpyansa.
Kinalampag din ni Hontiveros ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na madaliin ang imbestigasyon tungkol sa mga money laundering activities ni Tony Yang at papanagutin ito sa batas.
Matatandaang lumutang ang pangalan ni Tony Yang, ang kapatid ni dating Presidential economic adviser Michael Yang, na sinasabing nagpapatakbo ng iligal na POGO sa Cagayan de Oro City at Misamis Oriental matapos na ilantad ang kanyang mga larawan sa gitna ng imbestigasyon ng illegal POGO activities ng Senado.