Senador, nababahala na posibleng magaya ang mga Philippine Inland Gaming Operator sa mga iligal na POGO

Sinita ni Senator Raffy Tulfo sa pagdinig ng Senado ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa ipinapatupad na maluwag na regulasyon sa mga PIGO o Philippine Inland Gaming Operator.

Ayon kay Tulfo, dapat na mas maalarma na ngayon ang pamahalaan sa PIGO dahil posibleng dumating ang panahon na mas maraming Pilipino ang malulong dito at maging dahilan pa ng pagtaas ng krimen.

Sinabi ng mambabatas na ang PIGO ay inshore, ibig sabihin dito sa loob ng bansa at karamihan ng mga manunugal ay mga Pilipino.


Tinukoy naman ni Vina Oca ng PAGCOR Gaming Licensing Department, na mayroon silang ipinapatupad na banning program kung saan maaaring i-ban ang sarili o ‘di kaya naman ay mag-nominate ng iba-ban na hindi naman sinakyan ng senador.

Dagdag pa ni Oca, nakikipag-ugnayan na sila sa mga online payment platforms kung saan mayroon na ring ginagawa na pagtatakda ng limit kung hanggang magkano lang ang pwedeng ilaro sa isang araw.

Sinabi pa ng PAGCOR na mayroon na silang 60 PIGO na nabigyan ng lisensya na para kay Tulfo ay napakarami na at dapat na ipasara agad kung hindi makasusunod sa mga regulasyon.

Facebook Comments