Senador, nagbabala sa FDA na mayroon silang nilabag sa batas matapos i-delegate sa Bureau of Animal Industry ang clinical trial sa ASF vaccine

Nagbabala si Senator Francis Tolentino sa Food and Drug Administration (FDA) na may nilabag na batas ang ahensya matapos na hayaan nito ang Bureau of Animal Industry (BAI) na mag-facilitate o manguna sa field trials para sa bisa ng African Swine Fever (ASF) vaccine.

Lumalabas sa ginanap na pagdinig ng Senado na ang FDA lang ang nagapruba ng protocol para sa clinical trial at ang BAI na ang nagmonitor sa ginawang testing ng bakuna.

Iginiit ni Tolentino na dapat ang FDA ang mangunguna sa clinical trial ng ASF vaccine lalo’t ang ahensya rin ang siyang dapat na nagbibigay ng permit sa mga bakuna at gamot na pumapasok sa bansa.


Dahil dito, ibinabala ng senador na maaaring kasuhan ang FDA ng kapabayaan sa hindi pagtupad sa kanilang tungkulin.

Ipinaalala pa ni Tolentino na kahit may memorandum of agreement o MOA sa ganitong mga testing ng bakuna… ang FDA pa rin ang may tungkulin na magsagawa at magmonitor nito.

Hindi aniya kailanman maaaring i-delegate o ipasa ng FDA ang kanilang functions o tungkulin kahit pa sa BAI at tanging Kongreso lang ang may karapatang magdelegate ng tungkulin.

Facebook Comments