Hindi iniaalis ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang posibilidad na maibalik sa panukalang 2024 national budget ang P500 million na confidential fund para sa Office of the Vice President (OVP) at ang P150 million na confidential fund naman ng Department of Education (DepEd).
Babala ni Pimentel, maaari pa ring tangkain na ibalik ang mga confidential funds sa bicameral conference committee kahit pa sinabi na ni Vice President Sara Duterte na hindi na hihingi ng confidential funds ang mga tanggapan na kanyang pinamumunuan.
Paliwanag ng mambabatas, pagdating kasi sa bicam ay posibleng mangyari ang kahit na ano kahit pa ang pagbabalik ng mga pondo na unang tinapyas o inalis sa ahensya.
Bunsod ng posibilidad na ito ay hinimok ni Pimentel ang publiko na patuloy na magbantay sa deliberasyon ng Kongreso tungkol sa 2024 budget.
Umaasa naman ang senador na hindi na ipipilit ng mga kapwa mambabatas na maibalik pa ang confidential fund ni VP Sara sabay hamon naman kay Pangulong Bongbong Marcos na tularan ang ginawa ng Bise Presidente na tanggihan na rin ang P2.3 billion na intelligence fund ng tanggapan nito.