
Nagbanta si Senator Sherwin Gatchalian na i-ze-zero budget ang mga flood control projects kung hindi aayusin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang sistema sa mga proyekto.
Ito ang tiniyak ni Gatchalian sa gitna na rin ng maanomalyang proyekto para sa flood control and mitigation na nadiskubre sa ilang mga lalawigan sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, hindi sila papayag sa Senado na bigyan ng pondo ang proyekto kung hindi mapapatino ng DPWH ang kanilang ahensya.
Ipa-re-review rin ni Gatchalian ang proseso ng mga flood control projects dahil kung mananatili itong maluwag ay tiyak na aabusuhin lang ito ng mga contractors at sindikato.
Pinahihigpitan din ng senador ang bidding process sa mga infrastructure projects at iginiit ang paggamit ng bagong teknolohiya dahil ngayon ay mano-mano ang ginagawang bidding.
Sa ganitong paraan ay maiiwasan aniya ang human intervention na nagiging sanhi bakit nauuwi sa guni-guni ang mga proyekto.









