Nagbabala si Senate Majority Leader Francis Tolentino sa mga Guo na maaari silang maipakulong sa malayong bahagi ng bansa kaya huwag magpaka-kampante sa kanilang komportableng detention facility sa Metro Manila.
Ito ay dahil na rin sa paulit-ulit na paggiit nina dismissed Bamban Mayor Alice Guo at Shiela Guo na sumakay sila ng yate at mga barko para makapuslit ng bansa.
Sinabi ni Tolentino na maaaring makasuhan sina Guo ng “continuing offense” at maipakulong sa Sulu o Tawi-tawi.
Paliwanag ni Tolentino, ang kaso ay maaaring ihain sa alinmang korte na may hurisdiksyon sa mga lugar na kanilang dinaanan palabas ng Pilipinas patungo sa Indonesia kung saan naman sila naaresto.
Sumangayon si Department of Justice (DOJ) Prosecutor Isser Josef Gatdula sa posibilidad na kasuhan ang dalawa ng ‘continuing offense.’
Hinimok naman ni Tolentino si Guo na magsabi na ng totoo dahil kung hindi ay walang makakapigil sa DOJ sa pagsasampa ng kaso sa isang venue na bahagi ng kanilang escape route.