Senador, nagmungkahi na magpasa ng resolusyon para bigyang kapangyarihan ang kongreso na magpangalan sa mga underwater features ng bansa

Isusulong ni Senator Francis Tolentino na mag-adopt ang Senado ng resolusyon na magbibigay kapangyarihan sa Kongreso na pangalanan ang mga ‘underwater features’ sa mga sakop na teritoryo na karagatan ng bansa.

Sa pagdinig ng Senado sa 2024 budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nabusisi ni Tolentino ang National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) patungkol sa mapping at pagpapangalan ng ‘undersea features’ sa Benham Rise o Philippine Rise.

Ayon kay NAMRIA Administrator Peter Tiangco, aabot na sa 100 ang mga posibleng pangalan ng mga undersea features ang naisumite at patuloy ang kanilang pakikipagugnayan sa mga LGUs kung saan matatagpuan ang mga undersea features.


Dito ay nakwestyon ni Tolentino kung ano ang basehan ng NAMRIA sa pagpapangalan sa mga underwater features sabay giit na hindi pwedeng sino-sino na lang ang pangalan na gagamitin.

Binigyang-diin ng senador na ang pagbibigay ng pangalan sa ating mga underwater features ay mahalaga, dapat may kabuluhan at makasaysayan.

Sinabi pa ni Tolentino na ang mga pangalan na dapat gamitin sa mga undersea features ay pangalan ng mga pambansang bayani at mga notable figures na nagpamalas ng katapangan at pagbubuwis ng buhay tulad ng mga Navy officers na nagbabantay at nagtatanggol sa West Philippine Sea at ang tatlong mangingisda na nasawi sa may Bajo de Masinloc.

Facebook Comments