
Nagrekomenda na si Senate President pro-tempore Ping Lacson ng paraan para madakip o mahuli si dating Cong. Zaldy Co.
Ito ay dahil lumagpas na ang December 15 na pangako ng Ombudsman na may makukulong na opisyal kaugnay ng flood control project scam.
Iminungkahi ni Lacson na maaaring silipin ng pamahalaan ang paggamit ng isang anti-corruption convention ng United Nations na inaprubahan noong 2003 para matunton ang pagdakip kay Co.
Pinagtibay ang United Nations Convention Against Corruption (UNCAC) noong 2006 at ito ay isang legal at umiiral na kasunduang pandaigdig na nagbibigay ng balangkas para sa kooperasyon ng mga bansa laban sa korapsyon.
Giit ni Lacson, kung gagamitin ng Pilipinas ang resources ng 191 na bansang kasapi nito ay hindi malabong maabot, ma-locate at mahuli si Co.
Nakasaad sa UNCAC ang pagtutulungan ng mga state parties sa pagiimbestiga at pag-usig sa mga kasong kriminal.









