Senador, nagpaabot ng pakikiramay sa anim na air force personnel na nasawi

Nagpaabot ng pakikiramay si Senator Loren Legarda sa pamilya ng anim na Air Force personnel na nasawi matapos na bumagsak ang sinasakyang super huey helicopter sa Agusan del Sur.

Ang mga tauhan ng Air Force ay nasawi sa gitna ng isinagawang humanitarian assistance at disaster response operations sa mga lugar na apektado ng Bagyong Tino.

Ayon kay Legarda, opisyal ng Philippine Air Force Reserve, nakikidalamhati siya sa pagkawala ng mga bayaning sundalong suot ang kanilang mga uniporme nang may pagmamalaki at katapangan at inuuna ang kapakanan ng mga Pilipino sa halip na ang kanilang sariling kaligtasan.

Palagi aniyang maaalala ng bansa ang kanilang huling misyon na puno ng katapangan, awa at pagmamahal sa bayan at sa kapwa Pilipino.

Dagdag pa ni Legarda, ang mga sakripisyo ng mga nasawing sundalo ay hindi kailanman mawawala dahil mas pinili nilang tuparin ang tungkulin nang walang pagaalinlangan at nagsilbi silang pagasa at lakas sa gitna ng napakahirap na sitwasyon.

Facebook Comments