
Iginiit ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na walang “forever” sa pagiging Philippine National Police o PNP chief matapos na masibak sa naturang pwesto si Police Gen. Nicolas Torre III.
Ayon kay Dela Rosa, na dating PNP chief, ito ang katotohanan sa kanilang serbisyo sa Pambansang Pulisya na anumang oras ay maaari silang palitan kaya dapat palaging handa.
Gayunman, walang impormasyon si Dela Rosa sa pagkakatanggal kay Torre bilang PNP chief lalo na sa isyung umabuso o nagmalabis ito sa kanyang kapangyarihan.
Kumpyansa ang senador na hindi apektado rito ang moral ng mga pulis dahil sanay naman na sa ganito ang PNP at bilang isang organisasyon ay flexible sila at mabilis na maka-adopt sa mga hindi inaasahang pagbabago.
Aniya, prerogative pa rin ng pangulo ang mga aalisin o itatalaga sa pwesto at hindi magde-demand ng paliwanag tungkol dito ang PNP.
Samantala, ginarantiyahan naman ni Dela Rosa ang pagkakatalaga kay Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., bilang PNP chief kapalit ni Torre at aniya isa itong matino, maaasahan, at gentleman officer ng Class 92.









