Nagpasalamat si Senate Majority Leader Joel Villanueva, sa pagsuspinde ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa nakatakda sanang implementasyon ng bagong departure guidelines para sa mga Pinoy na babiyahe sa ibang bansa.
Ayon kay Villanueva, patunay ito na nakikinig talaga ang gobyerno sa panawagan ng mga mambabatas.
Subalit hindi aniya rito natatapos ang kanilang trabaho dahil balak din nilang makipagdayalogo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at sa IACAT council para resolbahin ang isyu at hanapan ng solusyon ang paglaban sa human trafficking.
Nanindigan si Villanueva, na nananatili ang kanilang posisyon laban sa revised IACAT travel guidelines dahil naniniwala silang hindi makatwiran, lantad sa pang-aabuso at maaaring mawala ang napakaraming dokumento na kanilang hihingiin sa mga pasahero para mapatunayang lehitimo ang kanilang biyahe sa labas ng Pilipinas.
Giit pa ng senador, hindi dapat ipinapapasan sa mga kababayan ang problema ng bansa sa illegal recruitment kundi dapat ay pamahalaan ang mismong gumagawa ng paraan para mapalakas ang mga programa laban sa human trafficking.