Nagsagawa ng “aerial inspection” si Senate Committee on Public Works Chairman Ramon Bong Revilla Jr. sa ilang lugar na lubog pa rin sa baha matapos salantain ng Bagyong Carina at habagat ang Metro Manila at mga karatig na lugar.
Ito ay bilang paghahanda sa imbestigasyon ng Senado bukas, July 30, tungkol sa pinsalang iniwan ng malawak na pagbaha sa National Capital Region (NCR) sa kabila ng maraming flood control projects.
Ayon kay Revilla, malawak ang isinagawang aerial inspection kung saan kasama sa sinilip ang Dampalit Mega Dike.
Inalam din ng senador ang mga lugar sa Metro Manila na lubog pa rin sa baha.
Kasama pa sa ininspeksyon ang Bulacan at Pampanga kung saan kitang-kita mula sa itaas ang napakalawak na pinsalang iniwan ng Bagyong Carina at habagat.
Samantala, noong nakaraang linggo ay ginulat ang marami sa naging epekto ng bagyo kung saan ang mga lugar na hindi binabaha ay binaha at maraming kababayan ang nasira ang tahanan matapos malubog sa baha ang mga bahay at nasirang kabuhayan.