Dalawang bagay ang nakikita ni Senator Sherwin Gatchalian kung bakit nais niyang ipagbawal sa loob ng paaralan ang paggamit ng mga estudyante ng cellphone.
Sa panayam ng RMN Manila kay Senate Committee on Education Sen. Sherwin Gatchalian, marami na aniyang mga kabataan ngayon ang nakatutok sa cellphone dahil sa dami ng mga mobile application.
Nauubos na aniya ang oras ng mga kabataan sa cellphone at wala na silang oras para magbasa, makipaghalubilo sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak.
Maliban dito, masama rin ayon sa senador ang impluwensiya ng social media lalo na pagdating sa bullying.
Maraming dalubhasa rin aniya ang nagsasabing dapat limitahan paggamit ng cellphone kahit ang mundo ay patungo na sa digitalization.
Samantala, kasunod ng panukalang pag-ban ng TikTok sa Estados Unidos, pabor din si Gatchalian na i-ban ang TikTok sa mga paaralan.