Senador, nakiisa sa paninindigan ng DFA na i-reject ang 10-dash line map ng China

Nakikiisa si National Defense and Security Committee Chairman Senator Jinggoy Estrada sa ginawang pag-reject ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kilalanin ang 2023 territorial map ng China.

Naunang naglabas ng statement ang DFA kung saan mariin nitong itinatanggi ang pagkilala sa 10-dash line map ng China at muling iginiit na wala itong basehan sa ilalim ng international law lalo na sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.

Tinukoy ni Estrada na napakahalaga ng pagbibigay proteksyon sa ating territorial integrity at sovereignty at ang DFA ay may mahalagang papel sa paggiit ng mga nabanggit na karapatan na nababatay naman sa international norms at legal principles.


Giit ng senador, ang manindigan laban sa patuloy na pang-aangkin ng China sa teritoryong pagmamay-ari ng Pilipinas ay walang legal na basehan at nararapat lamang.

Ang hakbang aniya ng DFA na i-reject ang bagong mapa ng China ay sumasalamin sa pagtataguyod ng ating karapatan at soberenya sa bansa.

Umapela naman ang mambabatas sa lahat ng sangkot sa isyu na patuloy na isulong ang mutual respect at magtrabaho tungo sa ikareresolba ng hindi pagkakaunawaan o sigalot sa pamamagitan ng mapayapa at patas na pamamaraan.

Facebook Comments