Hindi malinaw para kay Senator Risa Hontiveros ang inisyung Executive Order ni Pangulong Bongbong Marcos na nagbabawal sa lahat ng mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Pilipinas.
Sinabi ni Hontiveros na bagama’t kapuri-puri at nagpapasalamat siya sa reintegration program ng pamahalaan para sa mga kababayang nawalan ng trabaho dahil sa POGO ban, nalalabuan naman ang mambabatas sa nilalaman ng EO ng pangulo.
Una aniya rito ay nakasaad sa Section 1b ng kautusan na hindi kasama sa ban ang mga online games na isinasagawa ng mga licensed casinos at integrated resorts na may junket agreements na ino-operate ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Pinalilinaw ni Hontiveros kung ito ba ay nangangahulugan na puwedeng magpatakbo ng POGO ang mga PAGCOR-operated at licensed casinos tulad ng City of Dreams, Fontana o kahit na anong resort na may mga casino.
Dagdag pa rito ay hindi rin aniya klaro kung sakop ba ng ban ang mga economic zones dahil batay sa depinisyon ng “Other Offshore Gaming Licenses” ay hindi naman saklaw ng pangangasiwa at hurisdiksyon ng PAGCOR ang mga ecozones tulad ng CEZA (Cagayan Economic Zone Authority) at APECO (Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority).
Kaugnay dito ay kukwestyunin ni Hontiveros ang panukalang Anti-POGO Act oras na maisalang ito sa plenaryo upang mapunan ang mga butas sa pag-ban sa mga POGO.