Senador, nananawagan sa agresibong implementasyon ng batas na nagtataas sa edad ng sexual consent sa 16 na taong gulang

Hiniling ni Senator Sherwin Gatchalian ang mahigpit at agresibong implementasyon ng Republic Act No. 11648 o ang batas na nagtataas sa edad ng sexual consent sa 16 taong gulang mula sa dating 12 taong gulang.

Ito ang apela ng senador para tuluyang mapababa ang bilang ng maagang pagbubuntis sa mga kabataan lalo na ang nakakabahalang pagtaas ng mga nabubuntis na edad 10 hanggang 14 na taong gulang.

Bagama’t kinakitaan ng pagbaba sa bilang ng teenage pregnancy noong nakaraang taon, ikinaalarma naman ng senador ang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nasa 2,000 na ang mga batang babae na edad 10 hanggang 14 na taong gulang ang nabuntis noong 2022 at mas nakakabahala na ang dahilan ng pagbubuntis ng mga ito ay dahil sa mga lalaking edad 21 pataas.


Dahil dito, hiniling ng senador ang maigting na pagpapatupad ng batas upang mapangalagaan ang mga kabataan mula sa maagang pagdadalantao at maparusahan ang mga aabuso sa kanilang kamusmusan.

Naniniwala rin ang mambabatas na mahalagang estratehiya pa rin para maiwasan ang teenage pregnancy ay ang pagpapanatili sa mga kabataang kababaihan sa mga paaralan.

Batay rin kasi sa datos ng PSA, bumababa ang porsyento ng teenage pregnancy sa mga lugar na may mas mataas na educational attainment o tinapos sa pag-aaral.

Facebook Comments